Pinasasauli ng Commission on Audit (COA) ang nasa mahigit P192 million “achievement bonus” na ibinigay noong 2014 sa mga dating opisyal at empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ito ay matapos na isapubliko kamakailan lamang ang desisyon na may petsang Enero 24, 2022 kung saan pinagtibay ng komisyon ang notices ng disallowances na inisyu sa ilang opisina ng CAAP kasabay ng pagbasura ng petition for review ng mga dating opisyal kabilang sina Lt. Gen. William Hotchkiss III, Concordia Pagkaliwangan, Jocelyn Ching, Raul Eusebio, Rosario Nalungon at Fe Evangelista.
Una rito, binatikos ng dating mga opisyal ang naging desisyon ng COA corporate Government Sector Cluster Division na nag-aakusa sa kanila na liable ang mga ito sa natanggap nilang bonus.
Subalit paliwanag ng COA na ang paggawad ng achievement bonuses ay labag sa ilang batas at government regulations gaya ng Republic Act No. 10149 or the Government-Owned and/or Controlled Corporation Governance Act of 2011, Executive Order No. 07 series of 2010, Administrative Order No. 103 series of 2001 at COA Circular No. 2013-003.
Hindi din aniya naisama sa 2014 CAAP Corporate Operating Budget kayat maituturing itong irregular expenditure.
Kabilang sa mga CAAP area centers na nakatanggap ng bonuses at notices of disallowance ay sa Pasay City; Laoag City; Tuguegarao City; Cauayan City; Plaridel, Bulacan; Puerto Princesa City; Legazpi City; Masbate City; Naga City; Virac, Catanduanes, Iloilo; Lapu-Lapu City; Tacloban City; Catarman, Northern Samar; Calbayog City; Zamboanga City, Pagadian City; Dipolog City, Jolo, Sulu; Laguindingan Airport, Misamis Oriental; Davao City; General Santos City; Allah Valley Airport, South Cotabato; Cotabato City; at sa Butuan City.
Sa kabilang banda, binigyang diin ng COA na nakasaad sa Executive order no. 7 ang moratorium sa incentives na ipinatupad mula pa noong 2010 maliban na lamang kung ito ay authorized ng Pangulo.