-- Advertisements --

Natukoy na ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga proyekto at programa na maaring i-reallocate sa ilalim ng 2019 at 2020 budget na posibleng magamit bilang augmentation sa pondong inilaan sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Sa kanyang ikalawang report sa Kongreso, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na P189.82 billion unreleased appropriations ang kabuuang halaga na maaring i-reallocate.

Nakuha ang halagang ito mula sa Personal Services (PS), Maintenance and Other Operating  Expenses (MOOE), Financial Expenses (FinEx), at Capital Outlay (CO) items sa ilalim ng 2019 continuing appropriations at 2020 General Appropriations Act.

Ayon kay Pangulong Duterte, tumutulong sa DBM ang line departments sa pagtukoy ng kani-kanilang mga programa, proyekto, at aktibidad na maaring itigil para makaipon ng pera na maaring gamitin sa COVID-19 response.

Mula sa kabuuang halaga ng unreleased appropriations, sinabi ni Pangulong Duterte na P4.2 billion ang nakuha mula sa budgetary support sa government corporation sa ilalim ng special purpose fund.

Sa ngayon, P100 billion na allotments ang nailabas na aniya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kalahati ito ng P200-billion social amelioration program ng pamahalaan para sa 18 million low-income households.

Ang mga benepisyaryo rito ay tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan.