-- Advertisements --
diokno

Ibinabala ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno na posibleng magpataas sa inflation ng hanggang 1.4 percentage points ang panukalang batas na dagdag sahod na P150 para sa lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo ay approved in principle na ng Senate Committee on on Labor, Employment and Human Resources ang naturang panukalang batas.

Ang implikasyon na ito ng dagdag sahod ay ibinase ng Finance chief mula sa pagtaya ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Paliwanag pa ng Finance chief na kapag ang inflation ay tinatayang nasa 5.5% para sa 2023, ang panukalang dagdag sahod ay posibleng magresulta ng inflation na papalo hanggang 6.9%.

Inihayag naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na siyang nagpanukala ng naturang bill, na napakababa ng dagdag sahod na inaprubahan ng Regional Wage Board.

Sa ngayon, ang sahod sa Metro Manila ang may pinakamataas na minimum wage na pumapalo sa P570 kada araw.

Habang ang pinakamababang minimum wage naman ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na nasa P316.00 para sa non-agricultural at P306.00 naman para sa agricultural sector.