Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang higit P15-milyong halaga ng gamot na na-ovestock sa kamay ng Bureau of Corrections (BuCor) noong nakaraang taon.
Batay sa audit report ng COA, lumabas na hindi tama ang ginawang pagpa-plano ng mga opisyal kaya nasobrahan ang pagbili nito ng mga gamot para sa mga inmates.
Ayon sa state auditors, hindi maituturing na kabilang sa priority items ng BuCor ang pagbili sa mga gamot dahil naka-depende sa kasalukuyang inventory ng ahensya ang purchasing.
Sa pagsisiyasat ng COA, nabatid na umabot sa halos 100,000 tableta ng gamot na Verapamil ang binili ng BuCor noong 2018 pero higit 3,000 lang ang kanilang na-isse sa mga inmates na pasyente sa buong taon.
Bukod dito, nasilip din ng ahensya ang delayed public bidding at paggagawad ng kontrata sa mga supplier ng gamot.
“Apparently, actual demand of patients were not considered in the procurement of drugs and medicines, resulting in excess procurement in the aggregate amount of P15,501,612.25. This is a manifestation of a clear disregard of the actual needs of patients or purchases of the same even without the need/basis to purchase.”