Inilunsad na ng Landbank of the Philippines (Landbank) ang isang lending program para tulungan ang hog industry sa bansa na makabangon dahil sa epekto ng African swine fever (ASF).
Kabuuang P15 billion ang inilaan para sa Special Window and Interim Support to Nurture Hog Enterprises (SWINE) Lending program.
Ayon sa Landbank, eligible para sa SWINE Lending Program ang mga commercial hog raisers na nakarehistro bilang kooperatiba o mga farmers associations, mga korporasyon at small and medium enterprises (SMEs).
Ang mga loans sa ilalim ng programang ito ay gagamitin para sa swine production, kabilang na ang pagbili o pag-angkat ng semen o breeding animals, feed milling operations, construction, improvement at retrofitting ng mga pasilidad, pagbili ng mga fixed assets at working capital.
Maaring mag-avail ang mga eligible hog raisers nang short-term loan line o term loan na aabot sa 80 percent ng kanilang total project cost o financing requirement.
Ang mga loans na ito ay subject sa 3 percent interest rate per annum sa loob ng tatlong taon na subject din sa annual repricing.
Sinabi ng Landbank na ang SWINE Lending Program ay available hanggang Disyembre 21, 2026.