-- Advertisements --

Nasa pangangalaga na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P11 billion na halaga ng shabu matapos i-turn-over ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay NBI OIC-Director Eric Distor, ang pag-turn over sa mga illegal drugs ay bilang pagsunod sa utos ng Regional Trial Court na nasa ilalim ng Fourth Judicial Region ng Infanta, Quezon.

Ang naturang iligal na droga na dating hawak ng Forensic Chemistry Division (FCD) ng NBI ay may timbang na 1,855 kilograms.

Nasabat ang naturang mga kontrabando noong March 15, 2022 sa pamamagitan ng joint operatives ng NBI na pinangunahan ng Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) sa Barangay Comon, Infanta, Quezon.

Nagresulta rin ang operasyon sa pagkaaresto ng 10 indibidwal na nagbiyahe sa mga iligal na droga na ikinarga sa tatlong commuter vans.

Ang huli ay sinasabing ang pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng Pilipinas.