Tinatayang P11.7-bilyon daw ang kailangang ilaan ng gobyerno para sa hiring ng contact tracers ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa Department of Health, hindi sapat ang kasalukuyang 38,000 contact tracers na mayroon ang gobyerno ngayon dahil higit 120,000 tracers ang kailangan.
Binigyang diin ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang standard ng World Health Organization na isang contact tracer sa kada 800 katao.
“Nung tinignan natin, meron na tayo existing na 38,000 plus na contact tracers. And we still need 95,000 plus na contact tracers,” ani Vergeire.
“Nung kinompute natin ito with proposed qualifications ng mga contact tracers, nakita natin na mangangailangan tayo ng 11.7 billion in 3 months,” dagdag ng opisyal.
Una nang sinabi ng Health official na isinasapinal pa nila ng Department of Interior and Local Government ang qualifications sa mga iha-hire na contact tracers.
Pero target daw sana ng government agencies na ilagay sa pwesto ang mga medical o allied medical professionals.
Trabaho ng contact tracers na hanapin ang mga naging close contacts ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, at masigurong ma-isolate at ma-test ang mga ito.