Aabot sa Php10-million na halaga ng pondo ang natanggap ng Philippine Coast Guard mula sa Commission on Elections ngayong araw.
Ang naturang ceremonial turnover ng nasabing pondo ay pinangunahan mismo nina Comelec chair George Garcia, at PCG Admiral Artemio Abu sa headquarters ng PCG sa Maynila.
Ito ay para sa dagdag pondo ng kagawaran para sa mga operasyon nito na may kaugnayan sa pagbabantay sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Kaugnay nito ay nagpasalamat naman si Admiral Abu sa Comelec ukol dito kasabay ng pagsasabing malaking tulong para sa kanilang hanay ang tulong na ipinaabot ng komisyon para sa darating na halalan.
Aniya, ang pondong ibinigay ng komisyon ay agad nitong iaabot sa kanilang comptroller at chief logistics officer para naman sa kaukulang pangangasiwa nito kasabay ng pangakong magiging transparent ang coast guard paggamit ng pondong ito.
Samantala, bukod dito ay ibinahagi naman ng coast guard na mayroon na rin itong internal tripartite agreement sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang tiyakin na magiging maayos at ligtas ang gaganaping Barangay at Sangguniang Kabatan Elections.