Pasok na sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ang tax-free P10,000 special risk allowance sa mga private health workers.
Ito ay matapos na magkasundo ang mga miyembro ng bicameral conference committee na pagtibayin ang naturang probisyon na nakapaloob sa bersyon ng Kamara ng Bayanihan 2.
Kabuuang P10.5 billion ang inilalaang pondo para sa iba’t ibang compensations sa mga medical frontliners, kabilang na ang special risk allowance hindi lamang sa mga public healthcare workers (HCWs) kundi maging sa mga private HCWs na gumagamot sa mga COVID-19 patients.
Mababatid na sa Bayanihan to Heal as One Act, na napaso noon pang Hunyo, tanging ang mga public HCWs lamang ang nabibigyan ng benepisyo at hindi iyong mga nagtatrabaho sa mga pribadong ospital.
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na walang katumbas na halaga ng pera ang sakripisyo at serbisyo ng mga health workers lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
Umaasa ang lider ng Kamara na makakatulong ang subsidiya na nakatakdang ibigay ng pamahalaan para mabawasan man lang ang inisiip ng mga HCWs sa linya ng kanilang trabaho.
Bukod sa risk allowance, pinagtibay din ng bicameral conference committee ang probisyon na magbibigay ng P100,000 na compensation para sa mga public at private HCWs na may severe COVID-19 infection mula Pebrero 1, 2020.