-- Advertisements --

Nagbigay ng pondo sa negosyo sa mga miyembro ng pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) dito sa bansa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ito ay sa pagsisikap na maiangat ang buhay ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa ilalim ng “Tulong PUSO” Program ng OWWA, ang gobyerno ay magbibigay ng pondong aabot sa P1 milyon para magamit sa pamumuhunan sa negosyo para sa mga miyembro ng pamilyang OFW upang hindi lamang umasa sa mga remittances ng kanilang mga mahal sa buhay.

Isa sa mga benepisyaryo ng Tulong Puso Program ay ang Atimonan Overseas Filipino Worker Families Producers Cooperative mula sa Atimonan, Quezon.

Binubuo ang kooperatiba ng mga sewers and fabric workers na nakatanggap ng P1 milyon na pondo.

Iginawad din ng OWWA-National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa pangunguna ni Director Dindi Tan, ang ikatlo at huling tranche ng mga tseke sa dalawang OFW beneficiary organization sa Alabat, Quezon na nagkakahalaga ng halos P200,000.

Ang OWWA-NRCO ay nagsasagawa ng pag-ikot sa buong bansa upang matiyak na ang mga benepisyaryo sa ilalim ng Tulong Puso Program ay maayos na naisakatuparan at may magandang negosyo.

Top