-- Advertisements --

Nadiskubre ng 10 mangingisda mula sa Bataan ang 10 sako ng hinihinalang shabu na palutang-lutang umano sa karagatan ng Masinloc, Zambales, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon sa PDEA, natagpuan ang mga sako noong Mayo 29 at isinuko sa mga awtoridad nitong Hunyo 2.

Batay sa Inventory ng Philippine Coast Guard (PCG) laman ng mga sako ang 223 vacuum-sealed plastic packs ng ilegal na droga kung saan umabot sa 222.655 kilo ng shabu ang nasamsam, na tinatayang nagkakahalaga ng P1.5 billion ayon sa Dangerous Drugs Board.

Batay sa ulat, apat sa mga sako ay may label na “Freeze Dried Durian,” lima ang may markang “Daguanyin,” at isa pang sako ang may pitong transparent packs.

Nabatid na sa takot sa posibleng paghihiganti, itinago muna daw ng isa sa mga mangingisda ang mga sako sa isang abandonadong barge sa Mariveles, Bataan bago ito isinurender sa PCG.

Agad namang nagsagawa ng inspeksyon ang Coast Guard K9 units at kinumpirma ang presensiya ng ilegal na droga.

Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang PCG sa PDEA-Bataan na nagkumpirma sa naturang laman ng mga sako.

Una nang iniutos na ng PDEA Region 3 ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga droga habang ang mga nakumpiskang droga ay isasailalim sa forensic examination.