Dumipensa ang Department of Budget and Management (DBM) na makatwiran ang P1.4 billion alokasyong pondo para sa mga biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibang bansa para sa susunod na taon.
Paliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na magagamit naman ang magagastos ng Pangulo sa kaniyang pagbiyahe sa ibang bansa para mahikayat ang mga inevstor sa ating bansa.
Saad pa ng kalihim na mayroong dalawang klase ng biyahe ang Pangulo, una rito ang state visit ikalawa, ang investment road show.
Kung kayat ang expenses sa biyahe ng Pangulo ay justified naman aniya dahil makakabenepisyo at may bentahe ito para sa ating bansa.
Batay kasi sa hinihiling na pondo ng Office of the President para sa local trips, foreign trips at state visits ni PBBM sa 2024, ito ay nagkakahalaga ng P1.408 billion.
Mas mataas ito kumpara sa P893 million na hiningi ng Office of the President para ngayong taon.
Sa ngayon, mayroon ng kabuuang 14 na overseas trips ang Pangulo kung saan pinakahuli dito ay ang kaniyang tatlong araw na state visit sa Malaysia.
Una ng iniulat ng Palasyo ng Malacanang noong Pebrero na nakalikom ng kabuuang P3.48 trillion o katumbas ng $62.926 billion halaga ng investment pledges mula sa mga biyahe ni Pangulong Marcos Jr. sa ibang bansa.