MANILA – Nababahala ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa posibilidad na manamantala ang ilang opisyal ng gobyerno para maunang maturukan ng darating na supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.
“Baka naman—baka sabihin, healthworker pero ang mga mauuna, politiko. Ayaw natin iyon,” ani Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng Office of the Vice President (OVP) sa weekly radio program ng tanggapan.
Pahayag ito ng VP spokesperson kasunod ng pag-kontra ng Malacañang sa suhestyon ni Robredo na maglabas na ng listahan ng pangalan ng mga prayoridad na makakatanggap ng bakuna.
Ayon kay Gutierrez, kailangang matiyak na ang mga tinukoy na frontliners ni Pangulong Rodrigo Duterte ang talagang unang matuturukan ng dadating na COVID-19 vaccines.
“Ako, tama naman iyon kasi sila ay nasa frontlines din. Nag-e-enforce sila noong ating mga regulations. Nagbabantay sila ng mga checkpoint, etc. So, okay. Unahin na iyon, pero listahan na malinaw iyong mga pangalan, hindi parang sabi sabi lang. Hindi natin alam kung gaano karami talaga iyan. Tantiya, tantiya lang.”
“Tapos pagdating na ng panahon, sa distribution na, ay ito, magkaka-aberya at may mga biglang sisingit na wala naman pala doon dahil hindi malinaw iyong listahan. Iyon iyong kailangan nating matutukan, Ka Ely.”
Para kay Gutierrez, sapat na mauna ang ilang matataas na opisyal sa pagbabakuna para makatulong na mawala ang takot ng publiko sa bakuna.
Magugunitang naapektuhan ang immunization program ng pamahalaan mula nang pumutok ang kontrobersya sa dengue vaccine na Dengvaxia.
“Kaya ngayon kailangan kontrahin iyon kaya sumasang-ayon ako na malakas na simbolo kung iyong ating mga pinuno, iyong ating mga matataas na opisyal sa pamahalaan, sila iyong mauuna.”
“Ipakita nila na magtuturok sila ng vaccine na ito ‘di ba? At iyon ang makakapag — kumbaga, makakapagbigay ng kumpiyansa sa ating mga kababayan na ah okay, safe pala ito, wala pala dapat ikatakot dito kasi mismong iyong mga opisyal na nakikita natin, sila iyong nagtutulak ng polisiyang ito, sila ang nanguna.”
Magugunitang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na apat na bakuna ang target gamitin ng pamahalaan sa populasyon ng bansa. Kabilang na rito ang mga gawa ng kompanyang: Sinovac (China), AstraZeneca (United Kingdom), Pfizer (Amerika), Gamaleya Institute (Russia).