-- Advertisements --
OVP ROBREDO PPE 2
IMAGE | OVP handout

MANILA – Aabot sa 441,480 sets ng personal protective equipment (PPE) ang nabili ng Office of the Vice President (OVP) para sa mga healthcare workers na nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.

Batay sa annual report ng OVP, nakapaglaan ng higit 400,000 PPE sets ang tanggapan matapos makalikom ng P61.8-million ang kanilang donation drive, kasama ang non-government organization na Kaya Natin Movement.

Sapat daw ang bilang na ito para sa 29,432 medical frontliners.

“Through this donation drive, the office was overwhelmed by the outpouring of support from countless generous individuals. Thousands of Filipinos pitched in—from students, ordinary employees, OFWs, and business owners,” ayon sa tanggapan ng bise presidente.

Batay sa huling datos ng OVP, aabot na sa 333,675 PPE sets ang nai-deliver sa mga health facilities.

Kung maaalala, naging kritikal ang access ng bansa sa PPE sets nang mag-umpisang pumutok ang pandemya.

Mabilis kasing nagkaubusan ng supply sa ibang bansa, dahil ito ang nagsisilbing proteksyon ng healthcare workers sa pagharap nila sa mga pasyenteng may coronavirus disease.

Bilang tugon, nakipag-partner din ang OVP sa ilang komunidad ng mga mananahi para makagawa ng PPE sets na pasok pa rin sa health and safety standards.

Ayon sa OVP, 16 na sewing partners mula Metro Manila, Rizal, Bulacan, at Cebu ang naging katuwang nila para sa dagdag na supply ng PPE sets.

“The initiative has not only helped in keeping our frontliners safe; it would also be the saving grace for families in need during the months-long lockdown.”

Tinatayang 27,980 locally-produced PPE na ang naipamahagi ng OVP mula sa kabuuang 44,199 sets na nagawa ng partner communities.

Sa kabuuan, P64.70-million ang nagastos ng OVP sa pamamahagi ng PPE at iba pang medical supplies.

TESTING KITS

Bukod sa supply ng PPE, nanguna rin ang opisina ng pangalawang pangulo sa pagkilos para madagdagan ang test kits ng mga laboratoryo.

Ang OVP ang unang bumili ng supply ng test kits dinevelop ng mga eksperto mula sa University of the Philippines. Tinatayang P14.78-million ang inilaan dito ng ahensya na para sa 10,000 tests.

Ipinamahagi ito sa San Lazaro Hospital, V. Luna Hospital at Philippine General Hospital.

Nakatanggap din ng test kit supply ang: Iloilo Provincial Hospital, Iloilo City COVID-19 Laboratory, LGU of Muntinlupa City, University of the Philippines – Los Baños COVID-19 Molecular Diagnostic Laboratory, Zamboanga del Sur Medical Center, Dr. Jorge P. Royeca Hospital, at Cotabato Regional and Medical Center.

Tinatayang P5.32-million na halaga ng extraction kits naman ang ibinahagi ng OVP sa Research Institute for Tropical Medicine noong Marso.

“I there is anything that this pandemic has taught us, it is that if we continue to expand our circles of compassion, we will be able to amplify our efforts and reach out to more individuals in need.”

Batay sa datos ng OVP, aabot sa P56.854-million ang inilaan ng tanggapan para sa pagbili at pamamahagi ng COVID-19 test kits.