Nabasawasan na ng ilang porsyento ang pagsisiksikan ng mga preso o overcrowding sa mga piitan sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, noong buwan ng Enero ay umabot sa 281% ang congestion sa mga piitan habang sa kasalukuyan ay umaabot na lamang ito ng 238%.
Nakatulong aniya ang iba’t-ibang mga programa ng pamahalaan para mapagbuti ang kalagayan ng mga piitan, na kinabibilangan ng pagbibigay ng legal at mga paralegal services at matugunan ang jail congestions
Sa katunayan, ayon kay Abalos, umabot sa 74,590 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nakalaya mula sa mga piitan mula noong Enero hanggang nitong nakalipas na buwan ng Oktobre.
Batay sa datus ng Bureau of Jail Management and penology(BJMP), ang mahigit 74,000 na PDL ay binubuo ng mga sumusunod:
1. 7,647 sa kanila ang nakalabas sa pamamagitan ng piyansa
2. 10,592 ang nasentensyahan ngunit nakinabang sa Good Conduct Time Allowance
3. 6,249 ang na-acquit sa kanilang kinakaharap na kaso
4. 7,591 ang nailipat sa Bureau of Corrections (BuCor), youth detention facilities, National Center for Mental Health (NCMH), at drug reformation centers.
Ang iba sa mga ito ay nakalaya sa ibat ibang mga paraan katulad ng parole, probation, at libo-libong preso ang nagawaran ng permanent dismissal.
Pinuri naman ng kalihim ang effort ng BJMP na malinis ang mga kulungan at matugunan ang matagal nang problema na overcongestion sa mga piitan sa ibat ibang bahagi ng bansa.