Iginiit ng Malacañang na dapat buwisan ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.
Taliwas ito sa opinyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi puwedeng singilin ng income tax ang mga POGO dahil ang kinikita nila umano ay mula sa pusta ng mga nagsusugal na nasa labas ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakapaloob sa Section 23 (E), Chapter II ng National Internal Revenue Code (NIRC) na ang mga POGOs na domestic corporations at may operasyon sa Pilipinas, obligado silang magbayad ng buwis kahit pa ang kita ay galing sa labas ng bansa gaya ng mga online bettors.
Maging ang mga foreign corporations na POGOs ay taxable rin, pero sa kinikita lamang mula sa loob ng bansa alinsunod sa Section 23 (F), Chapter II ng NIRC.
Iginiit ni Sec. Panelo na ang karapatan ng Estado na mangolekta ng buwis sa isang indibidwal o korporasyon ay malinaw na ipinahayag ng Korte Suprema sa maraming mga kaso kung saan ang buwis ay siyang “lifeblood” ng bansa dahil ito ang ginagamit ng gobyerno sa pagbibigay serbisyo at pagtupad ng mandato para sa kapakanan ng mga mamamayan.
“It has been pronounced by the Supreme Court, in a plethora of cases, that “Taxes are the nation’s lifeblood through which government agencies continue to operate and with which the State discharges its functions for the welfare of its constituents.” In order to defray the expenses of the government, the State has, among its inherent powers, the authority to tax. This Administration will not be stymied nor estopped by technicalities caused by the exploitation of developing technologies in collecting what is due the government,” ani Sec. Panelo.