-- Advertisements --
IMG 20190809 115937

Inalmahan ng mga respondent sa sedition charges ang panghihimasok umano ng Office of the Solicitor General (OSG) sa kaso na nagsisilbing counsel ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ang reklamo na inihain laban kina Vice President Leni Robredo ay dahil pa rin sa “Project Sodoma” na layon umanong pabagsakin ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay dating Sen. Rene Saguisag na counsel ni Sen. Risa Hontiveros na kabilang sa mga kinasuhan, ang OSG ay “tribune of the people” at hindi “tuta ng administrasyon.”

Maging ang dating Solicitor General na si Atty. Florin Hilbay na kasama sa mga inireklamo ay umalma rin sa pangingialam ng OSG sa kaso.

Sa kanyang panunungkulan noon, wala raw siyang naalalang nangialaman ang OSG sa mga kasong may kahalintulad sa mga reklamong isinampa laban sa kanila.

Ang natalong senador at human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno ay nagtataka rin sa pagiging pagpasok ng OSG sa kaso dahil inamin umano mismo nila na kasali sila sa paggawa ng affidavit ni Peter Joemel Advincula na sinasabing nasa likod ng Bikoy video na nagsasangkot kay Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.

Pero ayon Kay Assistant Solicitor General Angelita Miranda, sa ilalim ng Administrative Code ang kapangyarihan ng OSG ay maging kinatawan nggobyerno ng Pilipinas, ng mga ahensiya nito at mga opisyal, gayundin sa mga proceeding, investigation o mga usapin na nangangailangan ng serbisyo ng abogado.