-- Advertisements --
DILG USEC MALAYA DOH 100620

Todo ngayon ang pakiusap ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng mga organizers ng community pantries na gumawa ng paraan para hindi na pumila ang mga senior citizens sa kanilang mga itinayong pantries.

Ipinanukala na ni DILG Sec. Jonathan Malaya sa mga pantry organizers na ipadaan na lamang sa barangay ang mga tulong para sa mga senior citizens.

Aniya, ang mga barangay officials na  lang daw ang magba-bahay-bahay para ibigay ang tulong para mas ligtas ang mga matatanda.

Ipinunto pa ni Malaya na ang protocol sa National Capital Region (NCR) Plus hanggang Abril 30 ay modified enhanced community quarantine (MECQ), ibig sabihin hindi pa dapat lumalabas ang mga senior citizens.

Una nang sinabi ni Malaya sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na suportado nila ang mga community pantries dahil malaki itong tulong sa ating mga kababayang hikahos sa buhay kasabay nang pamamahagi rin ng pamahalaan ng ayuda sa lahat.

Nag-ugat ang panawagan ni Malaya sa insidente pa rin ng pagkamatay ng isang senior citizen sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Darna o Angel Locsin.