Nakatakdang magpasa ang Quezon City Council ng ordinansa na magpapatawa ng parusa sa bomb jokes.
Ayon kay 1st District Councilor Dorothy Delarmente, kabilang na rito ang mga bomb jokes sa social media.
Nakatakda raw isalang ang naturang panukalang ordinansa sa unang pagbasa mamayang hapon.
Aniya, dahil bago na ito ay isasali rin dito ang mga pranks na ginagawa sa social media at internet.
Sa ilalim ng naturang ordinansa, ang mga lalabag dito ay papatawan ng parusang P5,000 at anim na buwang pagkakakulong.
Kapag apektado ang mga paaralan at office activities ang bomb joke na nagiging dahilan ng disorder ang mga lalabag ay haharap sa P5,000 at i-multiply ito sa bilang ng mga apektadong katao.
Pero ang parusang pagkakakulong ay hindi naman lalagpas sa isang taon.
Ang mga menor de edad na lalabag dito ay dadalhin naman sa city government youth home o ano mang pasilidad na accredited ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isinusulong ng Quezon City Council ang naturang ordinansa kasunod na rin ng mga bomb threats sa ilang mga paaralan sa lungsod na apektado ng aktibidad.
Noong Biyernes, ang suspect sa January 26 bomb threat sa Ponciano Bernardo High School ay kinilalang si Elfrank Emil Anthony Bacle Kadusale, 22 na ngayon ay naaresto na.