-- Advertisements --

Patuloy na inaasahan ang malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon ngayong Lunes dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 11 p.m. rainfall advisory ng PAGASA, itinaas ang orange rainfall warning sa ilang bahagi ng Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan at Tarlac.

Sa ilalim ng orange rainfall warning, inaasahang makatatanggap ang mga apektadong lugar ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan, na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide.

Kabilang sa mga lugar sa ilalim ng orange warning ang:

  • Zambales at Bataan
  • Pampanga — kabilang ang Mexico, San Fernando, Angeles, Porac, Mabalacat, Floridablanca, Lubao, Sasmuan, Apalit, Bacolor, Macabebe, Masantol, Minalin, San Luis, San Simon, Santa Ana, Santo Tomas, Guagua at Santa Rita.
  • Tarlac — kabilang ang Mayantoc, San Jose, Capas, Bamban, Santa Ignacia, Camiling, San Clemente, Moncada, Paniqui at Gerona.
  • Bulacan — kabilang ang Balagtas, Baliuag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit, Malolos, Meycauayan, Guiguinto, Hagonoy, Marilao, Obando, Pandi, Paombong, Plaridel, Pulilan at Santa Maria.

Samantala, nakataas naman ang yellow rainfall warning sa Rizal, Cavite, Metro Manila, at ilang bahagi ng Nueva Ecija, Tarlac, Batangas, Laguna, Bulacan at Pampanga.

Sa ilalim ng yellow warning, maaaring makaranas ng light to moderate rain na may paminsan-minsang malakas na buhos, na maaari ring magdulot ng pagbaha at landslide sa mga lugar na madaling maapektuhan.

Patuloy rin na uulanin ang ilang bahagi ng Quezon, Laguna, Batangas at Nueva Ecija.

Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at landslide-prone areas, na agad na lumikas kung kinakailangan.