BAGUIO CITY – Masayang ibinahagi ng OPM hitmaker na si Vehnee Saturno ang kanyang taos pusong pagpapasalamat sa kanyang 40th year anniversary sa industriya ng musika.

Sa nakalipas na apat na dekada nga ay nakapagsulat ang composer ng marami sa mga minahal na awitin sa bansa.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Vehnee, sinabi nito na magkakaroon sana umano ng engrandeng selebrasyon sa kaniyang anibersaryo na papangunahan ng mga kilalang personalidad na umawit sa kanyang mga isinulat ngunit dahil sa pandemya ay hindi ito natuloy.

Dagdag pa nito na patuloy niyang gagawin ang kanyang trabaho para makatulong sa iba.

“Sa akin kasi, pay back time na ito. Forty years is hindi na maikli na ibinigay sa akin ni Lord at madaming blessings. Excited pa din ako, working with new artists. Yun nga, ang sabi ko nga, payback time na para makatulong sa iba.”

Samantala, inalala ng songwriter ang kaniyang naging partisipasyon bilang hurado sa Bombo Music Festival 2020 noong Enero.

Inamin nito na bilib siya sa galing ng mga naging kalahok at isang napakagandang programa para sa mga Pilipinong musikero ang BMF.

“Sobra! Ang gagaling. Napakahirap mag judge. Yung inatang sa amin, na ako, bilang one of the judges, ang hirap mong malaman kasi halos magkakadikit sila. Ang galing.”