-- Advertisements --

Pormal nang ilulunsad ng Department of Education (DepEd) ang kanilang taunang Oplan Balik Eskwela program ngayong araw, August 15, 2022 para sa pagbubukas ng school year 2022-2023.

Layunin ng programang ito na tiyakin na magiging smooth, maayos, at handa ang lahat ng mga paaralan sa bansa sa muling pagpapatuloy ng klase sa August 22.

Pangungunahan ni Education Undersecretary Epimaco Densing ang nasabing launching ng programa na siya ring manunungkulan bilang 2022 OBE chairperson.

Samantala, bukod dito ay una na ring sinabi ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Wesley Poa na ngayong araw ay nakatakda ring ilunsad ng kagawaran ang kanilang Oplan: Balik-Eskwela command center na layunin namang makapagbigay ng mas madaling koordinasyon sa pagitan ng publiko at pamumuan ng DepEd hinggil sa mga suliraning posibleng umusbong sa darating na pasukan.