-- Advertisements --

Nakatakdang maglunsad ng Oplan: Balik-Eskwela Command Center ang Department of Education (DepEd) sa August 15, 2022.

Ipinahayag ito mismo ni DepEd Spokesperson Atty . Michael Wesley Poa sa ginanap na Joint Press Conference ng Office of the Vice President and Department of Education ngayong araw.

Ayon kay Poa, layunin ng command center na ito na makapagbigay ng mas madaling koordinasyon sa pagitan ng publiko at pamunuan ng DepEd hinggil sa mga suliraning posibleng harapin sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa darating na August 22 pagkatapos ng dalawang taong nasa blended learning o walang face to face classes sa bansa.

Samantala, iniulat din ni Poa na batay sa kanilang pinakahuling datos ay umabot na sa 18.6 million ang bilang ng mga mag-aaral na nakapag-enroll na para sa school year 2022-2023.

Habang nasa Php59.5 million naman na pondo na rin aniya ang nakalap ng kagawaran mula sa private partners nito para naman sa paghahanda nila sa darating na pasukan.