-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Pinatawan ng anim na buwang suspensyon ang cockpit arena sa Cabarroguis, Quirino dahil sa paglabag sa mga health protocols.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer at executive Secretary Renato Silao ng LGU Cabarroguis, Quirino na sa bisa ng Executive Order no. 36 na pirmado ni Mayor Willard Abuan ay sinuspinde ang operasyon ng Cabarroguis cockpit arena mula ngayong araw hanggang September 31, 2021.

Aniya, napagpasyahan ng kanilang punong bayan na kailangang maturuan ng leksyon ang management ng sabungan kaya sinuspinde ang kanilang operasyon ng anim na buwan.

Gayunman kung pagkatapos ng anim na buwan at hindi pa sumusunod ang management ng sabungan ay puwede pang mapalawig ang kanilang suspension.

Matatandaang noong February 28, 2021 ay napakaraming nagpunta sa Cabarroguis cockpit arena kung saan nanggaling ang napakaraming bilang ng mga nagpositibo sa lalawigan ayon sa contact tracing team.

Ayon sa kanya, sa naturang araw ay anim lamang ang nakalog book pero puno sa loob ng sabungan na dapat ay labing isa lamang ang nasa loob.

Bukod dito ay hindi rin nasunod ang ibang health protocols.

Isa naman sa nakikitang pinagmulan ng local transmission sa naturang bayan ay ang isang positive case na mula sa barangay Zamora na nagpunta rin sa sabungan sa naturang araw.

Ayon kay Information Officer Silao, ngayong araw ay nakatakdang magtapos ang lockdown sa buong barangay ng San Marcos kung saan matatagpuan ang Cabarroguis cockpit arena na nagsimula noong ikalabing walo ng Marso.

Ang barangay Zamora na isa rin sa pinagmulan ng napakaraming nakisabong ay nakalockdown mula ikadalawampu’t isa hanggang ikadalawampu’t lima ng Marso.

Sa ngayon ay umabot na sa 64 ang naitalang kaso sa Cabarroguis, Quirino at 53 ang aktibong kaso habang sa buong lalawigan naman ay 363 na ang naitalang kaso, 235 ang aktibong kaso, 123 ang recovered at 5 ang nasawi.