Ipinag-utos ng Office of the President (OP) ang pagbuo ng isang komite para sa paggunita ng ika-650 anibersaryo ng Philippine Muslim History and Heritage.
Ito ang Situmiayat Wakhamsum Aldhikraa National Committee” (SWANC).
Base sa limang pahinang Administrative Order No. 10 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang naturang komite ang siyang mangunguna sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa, aktibidad at proyekto na may kaugnayan sa paggunita ng naturang okasyon na magsisimula sa susunod na taon hanggang 2030.
Naatasan din ang komite na maghanda ng isang komprehinsibong plano para sa paggunita ng anibersaryo saka i-endorso ito para sa pag-apruba ng Pangulo sa loob ng anim na buwan mula ng maging epektibo ang kautusan.
Maliban sa pagkilala sa papel ng mga Pilipinong Muslim sa paghubog ng kasaysayan ng ating bansa at heritage, ang naturang event ay nagtataguyod din ng local at national tourism at nagpapasigla ng pagkamakabayan ng bawat Pilipino.
Pangungunahan ng chairman ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang bubuuing komite habang ang kalihim ng National Commission on Muslim Filipinos at ang chairperson ng Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage ang magsisilbing co-vice chairpersons.
Ang iba pang member agencies ng komite ay kabilang ang mga kalihim ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Education (DepEd), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND) at Department of Tourism (DOT)