Inamin ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nila maaaring madaliian ang mga idinudulog na reklamo ukol sa isyu ng online libel at online threats.
Ayon kay NBI Anti-Cyber Crime Division Head Vic Lorenzo sa panayam ng Bombo Radyo, mahalagang matiyak muna ang identity ng irereklamong tao.
Layunin nitong maiwasan na masampahan ng kaso ang maling personalidad, lalo’t nauuso ang panggagaya ng pangalan, pagnanakaw ng mga larawan at impormasyon.
Tiniyak ng NBI na agad nilang inaasikaso ang mga complaint at ihahain ang kaso sa oras na magawa ang berepikasyon sa kinakailangang detalye.
Nagbabala naman ang NBI sa mga mahihilig gumamit ng online applications na basahin at unawain muna ang mga pinapasok na agreement bago gumamit ng mga ito, para makaiwas na makompromiso ang mga sensetibong detalye na posibleng malantad sa admin ng program.