-- Advertisements --

LA UNION – Ipinagbawal ang online selling sa mga pagkaing karne, frozen, processed at lahat ng klase ng meat-by-products sa bayan ng Rosario, La Union.

Alinsunod ito sa pinirmahang Executive Order (EO) No. 53, Series of 2020, ni Mayor Bellarmin ‘Larry’ Flores.

Binalaan din nito ang mga online sellers, na sinumang mapapatunayang lalabag sa naturang EO ay mananagot at makakasuhan ng paglabag sa Food Safety Act of 2013.

Layunin ng direktiba na protektahan at masiguro ang kaligtasan ng kalusugan ng mga mamamayan sa Rosario, La Union laban sa bagong strain ng swine flu at iba pang uri ng sakit.

Pinayuhan ng lokal na pamahalaan at ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang mga consumers na bumili lamang ng mga sariwang karne ng baboy, baka, manok at iba pa sa public market.

Mahalaga din ang pagiging mapanuri sa mga binibiling pagkain para sa kaligtasan ng kalusugan.