-- Advertisements --
paputok - firecrackers

Tinututukan ngayon ng Philippine National Police ang talamak na bentahan ngayon ng mga imported na paputok online.

Sa gitna pa rin ito ng kampanya ng pambansang pulisya kontra illegal firecrackers at pyrotechnics para sa isang mapayapa at masayang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na kaugnay nito ay inatasan na niya ang PNP-Anti Cybercrime Group na mahigpit na bantayan ang mga nagtitinda ng mga paputok sa social media.

May mga ulat kasing natanggap ang pulisya na ilan sa mga online sellers na ito ay nag-aalok ng mga paputok na ipinagbabawal sa Pilipinas tulad ng lahat ng uri ng mga firecrackers at pyrotechnics na gawa sa ibang bansa.

Kung maaalala, una rito ay iniulat na rin ni PNP-Firearms and Explosive Office acting chief PCol. Paul Kenneth Lucas na nasa 10 katao na ang naaresto ng pulisya dahil sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng mga ito ng paputok.

Habang may ilang follow up operations din na ginagawa ang mga Regional Civil Security Service Units hinggil naman sa modus operandi sa mga smuggled firecrackers sa bansa.