Ipinagpaliban ng Supreme Court (SC) sa Abril 1 ang pagpapatupad ng video conferencing o online hearing para sa mga testimonya ng mga Pinoy sa ibang bansa partikular ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa circular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas P. Marquez, ang pagpapaliban sa implementasyon ng bagong procedure bilang bahagi ng hakbang ng SC na mapabilis ang resolusyon ng mga kaso ay dahil umano sa kahilingan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro L. Locsin Jr.
Ang pagsasagawa ng videoconferencing ay una nang naka-schedule noong Enero 16.
Sinabi ni Marquez na hiniling daw ni Locsin na magkaroon ngmoratorium sa implementasyon ng guidelines sa Abril 1, 2021 dahil kasalukuyan pang ginagawa ng DFA ang kanilang guidelines at setup para sa isasagawang video conferencing hearings.
Dahil dito, agad naman umanong inaprubahan ni Chief Justice Diosdado M. Peralta ang hirit ni Locsin.
Nagdesisyon ang SC na dinggin ang mga civil at criminal cases ng mga Pinoy na nasa ibayong dagat sa pamamagitan ng videoconferencing ay para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang videoconferencing ay isinagawa na sa ilang lugar dito sa bansa simula Mayo noong nakaraang taon.
Nagpaalala naman ang SC sa pamamagitan ng circular na inisyu ni Court Administrator Marquez na bawal ang hindi otorisadong pag-record sa proceedings at bawal din ang magpasaway at mangambala sa hearings.
Maaari raw mapatawan ng direct contempt ang mga lalabag dito.