-- Advertisements --

Paiigtingin pa ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang kampanya laban sa umano’y nagaganap na korapsyon sa loob ng kanilang ahensya.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ipinag-utos umano nito ang sa bagong binuo na Board of Discpline ng ahensya na suriin ng mabuti ang mga hinaing at reports na kanilang natatanggap laban sa mga tiwaling opisyal.

Sa oras na mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban sa mga ito ay kaagad irerekomenda sa Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng administrative cases laban sa mga empleyado na dawit sa tiwaling gawain.

Basae sa record ng BI simula 2016, aabot ng 131 personnel ang sinuspinde o tinanggal sa kanilang posisyon dahil sa iba’t ibang pagkakasala.

Sinabi pa ni Morente na hindi nito hahayaang mas lalo pang lumaganap ang korapsyon sa loob ng ahensya.

Ang pagpapatupad aniya ng one-strike policy ay alinsunod na rin sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa korapsyon.

Pangunahing layunin umano ng Board of Discipline (BOD) na linisin ang ahensya mula sa mga tiwaling gawain.

Pinangungunahan ang BOD ni Atty. Ronaldo Ledesma, na dating nagsilbi bilang Officer-In-Charge at OIC Deputy Commissioner ng naturang ahensya. Binubuo rin ang BOD ng lima pang abogado na itinalaga naman ng DOJ.

Sa ilalim kasi ng one-strike policy, lahat ng tiwaling opisyal na sasailalim sa imbestigasyon ay kaagad tatanggalin sa kanilang pwesto.

Una nang dumaing si Morente dahil sa wala raw itong disciplinary powers sa mga empleyado ng BI.

Hinikayat din nito ang publiko na kaagad ireport sa kanilang tanggapan ang anomang iligal na aktibidad sa kanilang tanggapan.