-- Advertisements --

Nakatakda nang ilabas ng Department of Health (DOH) ngayong weekend o sa susunod na linggo ang Omnibus guidelines ukol sa paggamit ng iba’t-ibang COVID-19 test.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, layunin ng bagong guidelines na maging sentrong batayan ng publiko sa kung anong mga test ang kinikilala ng estado sa pagtukoy ng COVID-19 cases.

“Alam naman natin nagumpisa tayo sa RT-PCR, lumabas yung mga rapid antibody test, ngayon may mga antigen test na nasa market na. We know eventually that there would still be other innovations na lalabas diyan in the coming weeks, months pag nagkataon.”

“Para hindi nagkakaroon ng misleading information and also the general public, as well our health facilities are guided on what they are supposed to use kapag ka nandito ka sa stage ng sakit na ito.”

Ilan daw sa tiyak na lalamanin ng bagong panuntunan ay ang wastong paggamit ng rapid antibody test, na kamakailan ay inulan ng pagtutol mula sa hanay ng medical groups.

“It detects antibodies and antibodies only comes out or nakikita sa katawan ng tao after mga 5 to 7 days when you are ill, so hindi talaga ginagamit ‘yan for screening.”

Una nang sinabi ng ahensya na hindi nila iba-ban ang paggamit sa naturang test. Mahigpit lang na paalala ng opisyal na hindi dapat ginagawang requirement ang rapid test sa mga balik-trabahong empleyado.

Nakapaloob din daw sa Omnibus guidelines ang tamang paggamit ng RT-PCR test na confirmatory test at antigen test.

“Ito (antigen test) yung bago na lumalabas. Appropriate lang siyang gamitin kapag first 5 days of the illness. Hindi mo magagamit kapag pre-symptomatic ka o di kaya ay nakalapgas ka na ng anim na araw, pitong araw sa sakit. It is more sensitive than the rapid antibody test.”

Umaasa ang DOH na magsisilbi ring gabay sa implementers ang bagong guidelines para maipatupad nang wasto ang testing efforts ng pamahalaan sa COVID-19.

Ngayong araw nakatakdang ipadala ng ahensya sa medical experts ang final draft ng guidelines para masuri at maaprubahan.