Pumasok na rin ang Office of the Ombudsman sa fact-finding investigation laban sa sinasabing anomalya na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng Quezon City sa pagpapatupad ng TUPAD Program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Labor Department.
Ito ay bukod pa sa hiwalay na imbestigasyon na ginagawa ng National Bureau of Investigation laban sa mga sangkot sa naturang anomalya.
Sesentro ang imbestigasyon ng Ombudsman sa sinasabing pagbulsa ng ilang local officials ng Quezon City sa pondo na para sana sa mga manggagawang naapektuhan ng pandemya.
Una nang ibinunyag ni Labor Secretary Silvestre Bello 3rd na ilang beneficiaries ng TUPAD program ng DOLE ang nagreklamo dahil ang natanggap lamang nilang bayad sa sampung araw na pagta-trabaho ay P1,000 hanggang P2,000 sa halip na P5,350 .
Habang ang nag-trabaho aniya ng 15 araw ay nakatanggap lamang ng P8,025.
Sinabi pa ni Bello na mayroon ding nakinabang sa pondo na hindi naman talaga nagtrabaho at maliwanag aniya itong scam at maliwanag na nagkaroon ng iregularidad.
Una nang nadawit ang mga pangalan ni Quezon City 5th District Cong. Alfred Vargas at kapatid nitong si Councilor Patrick Michael Vargas bagamat sinabi ng mambabatas na wala namang lumutang na complainant laban sa kanila.
Nilinaw din ng DOLE na tuloy ang imbestigasyon ng NBI laban kina Quezon City 2nd District Congresswoman Precious Hipolito-Castelo at asawang si Councilor Winston Castelo.
Sa ilalim ng TUPAD program,ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ay binibigyan ng Labor Dept. ng emergency employment tulad ng minimum period na 10 araw na trabaho at maximum na 30 araw at may sweldong P535 kada araw.