Pinayuhan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang mga dating bodyguard at staff na umano’y konektado kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co na magsumite ng kani-kanilang sinumpaang affidavit kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y maanumalyang flood control projects.
Ayon kay Remulla, mahalagang makapagbigay ng magkakahiwalay na testimonya ang bawat indibidwal upang makatulong sa masusing pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman.
Nakatakda umanong humarap sa mga imbestigador ang mga nagpakilalang bag-men ni Zaldy Co sa Hunyo 11, 15, at 16.
Ayon naman kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, matagal nang kinakausap ng kanilang tanggapan ang mga sangkot bilang bahagi ng layunin na masuri ang lahat ng posibleng ebidensiya.
Nauna nang sinabi ni Atty. Levi Baligod, tagapagsalita ng 18 ”maleta boys” na handang magsumite ang kanyang mga kliyente ng karagdagang ebidensiya, kabilang ang mga larawan at video na umano’y may kaugnayan sa alegasyon ng pamamahagi ng pera.
Matatandaang inakusahan ng grupo ang ilang opisyal at kilalang personalidad na tumanggap umano ng mga maleta na naglalaman ng pera, bagay na sinasabing iniutos ng puganteng si Zaldy Co.
Gayunpaman, mariing itinanggi ng ilang personalidad ang naturang mga alegasyon.
Isa na rito si Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr., na naghain ng kasong cyberlibel at libel laban kay Atty. Baligod, 18 indibidwal, at isang media outlet.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Abante na walang basehan ang mga paratang at mali umanong ipinakilala siya bilang isa sa mga tumanggap ng pera.
Iginiit ng mambabatas na hindi totoo ang mga alegasyong ibinato laban sa kanya at nakasisira umano ito sa kanyang pangalan at reputasyon.
















