Naghain ang bansang Oman ng panukalang joint regional management system sa Strait of Hormuz upang mabawasan ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Nabatid na iminungkahi ito ng Oman sa mga opisyal ng Iran nitong nakaraang weekend sa Tehran. Kung saan sa panukala magbibigay ng bayad ang mga shipping company para sa pagpapanatili ng mga kagamitang makakatulong sa paglalayag ng mga barko doon.
Sa ilalim pa ng panukala, hindi magkakaroon ng eksklusibong kontrol ang Iran sa Strait of Hormuz. Sa halip, nais nitong gamitin ang modelo na kahalintulad ng ginagawa sa Strait of Malacca, kung saan nagtutulungan ang mga bansa sa Indonesia, Malaysia, at Singapore.
Dahil dito maaari raw gamitin ang pondo sa pagpapanatili ng navigation equipment, pangangalaga sa kapaligiran, at search and rescue operations.
Gayunman, ilang Gulf states ang tumututol sa pagpataw ng bayarin para sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.
Nilinaw naman ng International Maritime Organization (IMO) na hindi ito bahagi ng kasalukuyang negosasyon at ang anumang bagong panukala kaugnay ng shipping routes o traffic management ay kailangang dumaan sa pagsusuri ng ahensya.
Matagal nang itinatag ng IMO ang international shipping lanes sa Strait of Hormuz noong 1968, ngunit hindi ito kasalukuyang ginagamit dahil sa banta ng Iranian mines.
Hinikayat naman ng Iran ang mga barko na gumamit ng rutang mas malapit sa karagatan nito, habang nag-alok ang Estados Unidos ng suporta para sa mga barkong dadaan sa rutang mas malapit sa Oman.















