Nabasag ng pole vaulter at Olympian na si Ernest John (EJ) Obiena ang sarili nitong record sa Meeting de Paris Wanda Diamond League.
Mula sa dating record-high na 5.87 meters sa Polish meet noong buwan ng Hunyo ay naabot nito Pinoy ang 5.91 meters sa naturang event.
Dahil dito, nasungkit ni Obiena ang silver medal at pumangalawa ito sa Olympic champion na si Armand Duplantis.
Na-clear ni Obiena ang 5.91 meters sa unang attempt pero bigo na nitong maabot ang 5.96 meters sa dalawang attempt bago subukan sa final attempt ang 6.01 meters.
Una rito, nagtapos sa ika-limang puwesto si Obiena sa Athletissima Wanda Diamond League sa Lausanne, Switzerland dalawang araw lamang ang nakalilipas sa pamamagitan ng 5.52 meters.
Si Obiena ay nagtapos sa ika-11 puwesto sa Tokyo Olympics na lumusot sa 5.70 meters.
Samantala ang United States champion na si Chris Nilsen na naka-silver medal sa Tokyo Olympics ay pumangatlo sa event na nagtapos sa 5.81 meters.
Ang 2016 Rio Olympics bronze medalist naman na si Sam Kendricks ng United States ay pang-apat sa torneyo na mag-poste ng 5.73 meters.
Kabilang din sa mga finishers sina KC Lightfoot mula US (5.73m), Valentin Lavillenie ng France (5.65m), Piotr Lisek mula Poland (5.55m), Ethan Cormont na mula rin sa France (5.55m), Kurtis Marschall ng Australia (5.45m) at ang pambato ng France na si Renaud Lavillenie (5.30m).