-- Advertisements --

Kinoronahan bilang 2025 NBA Champion ang Oklahoma City Thunder.

Nagawa ng Thunder na patumbahin ang Pacers sa Game 7, 100-90, sa pangunguna ni Shai Gilgeous-Alexander na kumamada ng 29 points, 12 assists, at limang rebounds sa loob ng 40 mins na paglalaro.

Sinamantala ng koponan ang injury ni Pacers guard Tyrese Haliburton upang duminahin ang laban, lalo na sa 3rd quarter kung saan gumawa ang 2025 NBA Champion ng 34-20 run.

Sa unang quarter kasi ng laban ay nagtamo si Haliburton ng hindi pa matukoy na injury at kinailangan na siyang dalhin ng mga medical staff sa locker room.

Pinilit pa ring makipagsabayan ng kaniyang mga kapwa Pacers player at nagawa nilang iposte ang 1-point lead sa pagtatapos ng 1st half, 47-48.

Gayonpaman, tuluyan itong binura ng Thunder matapos ang maagang lead sa 3rd quarter kung saan sa unang limang minuto ay nagawa ng koponan na iposte ang 18-8 run.

Hindi na nagpabaya ang Thunder at pinanatili ang magandang lead sa pagtatapos ng game 7.

Samantala, sa pitong minutong inilagi ni Tyrese haliburton sa hardcourt, nagawa niyang mag-ambag ng siyam na puntos, kasama ang all-around presence sa pagsisimula ng laro.

Labis namang nag-level up ang reserve guard ng Indiana na si Bennedcit Mathurin at nagawa niyang magpasok ng 18 points at umagaw ng 12 rebounds sa pananatili sa hardcourt.

Kung babalikan sa kasaysayan, apat na beses nang lumaban ang OKC sa NBA Finals ngunit iisa lamang ang matagumpay nitong naipanalo – 1979 Finals. Ang naturang koponan ay tinatawag pa noong Seattle Supersonics.

Dahil sa panalo ng kasalukuyang Thunder roster, dalawang kampeonato na ang bitbit ng koponan.

Tinanghal din bilang Finals MVP si Gilgeous-Alexander mataops ang impresibong performance sa buong playoffs hanggang tuluyang maibulsa ang championship trophy.

Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan ng bagong NBA Champion ang mga kapwa player, pamilya, at lahat ng sumuporta sa kaniya.

Sa kasalukuyan, wala pang announcement kung kailan isasagawa ang victory parade sa Oklahoma City kasunod ng matagumpay na kampaniya ng koponan ngayong season.