-- Advertisements --

Dalawang beses na magpapatupad ang mga kompaniya ng langis ng umento sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong huling linggo ng Hunyo.

Ito ay kasunod ng pagpayag ng mga kompaniya ng langis na utay-utayin o unti-unting ipatupad ang big-time oil price hike simula ngayong araw ng Martes, June 24.

Resulta ito ng pakikipag-usap ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) sa mga kinatawan ng mga kompaniya ng langis na positibo namang tumugon sa kahilingan ng gobyerno.

Ngayong Martes epektibo kaninang alas-6:00 ng umaga, nagpatupad ang tatlong malalaking kompaniya ng langis (Shell, Petron, Seaoil) umentong ₱2.60/L sa diesel, sa gasolina naman ₱1.75/L, habang sa kerosene ₱2.40/L ang itinaas.

Sa araw ng Huwebes, June 26, parehong umento sa mga produktong petrolyo ang ipapatupad.

Ang iba namang kompaniya ng langis (Caltex) ngayong Martes, nagpatupad ng umento na ₱3.45/L sa diesel, ₱2.25/L sa gasolina at ₱3.20/L sa kerosene.

Inaasahan naman sa araw ng Biyernes, June 27, magpapatupad ang naturang kompaniya ng umentong ₱1.50/L sa diesel, ₱1 /L sa gasolina at ₱1.40/L sa kerosene.

Ayon sa DOE, isinumite ng mga kompaniya ng langis ang kanilang implementation scheme kabilang ang breakdown ng staggered adjustments kahapon.

Ginawa naman ang naturang hakbang sa gitna ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis dahil sa tumitinding labanan sa pagitan ng Israel at Iran kung saan nakialam na rin ang Amerika.

Inihahanda na rin ng pamahalaan ang fuel subsidy para sa mga maaapektuhang operators at drivers ng mga pampublikong transportasyon dahil sa inaasahang pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng conflict sa Middle East.