-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nananatiling ligtas ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho ngayon sa bansang Israel sa kabila ng nagpapatuloy na missile attack na inilulunsad ng militanteng grupo na Islamic Jihad na nakabase sa Gaza na teritoryo ng Palestine.

Ayon kay Vanessa Pagoli, caregiver sa Sderot na lungsod sa Israel, kapitbahay nila ang isa sa mga tahanan na tinamaan ng mga hindi na-intercept na rocket.

Aniya, sa kanilang lokasyon ay halos lahat ng tahanan ay may kanya-kanyang bomb shelter o ligtas na kwarto kung saan pwede silang magtago kung may missile attack.

Ipinagpapasalamat aniya nila na may iron dome ang Israel na agad nag-i-intercept sa mga rockets na inilulunsad ng kanilang mga kaaway.

Dinagdag ni Pagoli na nasa 90-percent ng mga missile na inilunsad ng Gaza laban sa Southern Israel ay na-intercept ng mga missile ng estado bagamat may ilang tumama sa mga bahay at sa kalsada.

Sinabi naman ni Minda Licawen, caregiver sa Jerusalem na ligtas ang kanilang lokasyon bagaman nakakaramdam pa rin sila ng takot lalo na kahapon kung saan papadilim na ay nagpapatuloy pa rin ang rocket attack.

Aniya, kung walang proteksiyon ang Diyos sa Israel ay parang sinusunog na ito ngayon at marami ng mga namatay dahil sa missile attacks ng Islamic Jihad.

Ipinangako naman ng Israel Defense Forces na gagawin nila ang lahat para maprotektahan ang mga naninirahan sa kanilang bansa.

Sinabi ng Israel na ang kasalukuyang pag-atake ng Gaza ay paghihiganti ng militanteng grupo matapos mapatay sa air attack na inilunsad ng Israel ang lider ng Islamic Jihad na si Bahaa Abu Al-Ata at asawa nito.

Ayon sa miyembro ng Israel Defense Forces na si Al-Ata, senior commander ng Islamic Jihad sa Gaza at responsable sa karamihang pag-atake sa Israel mula pa noong nakaraang taon.

Sa ngayon ay naka-red alert ang Israel matapos naglunsad muli ang Gaza ng missile attack at patuloy ang pagpapatunog ng air-raid sirens sa buong Israel.