ILOILO CITY – Nakakaranas na ng gutom ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Bahrain na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jenny Ann Adelantar, isang dining room attendant sa Bahrain, sinabi nito na hindi bababa sa 20 Ilonggo ang kasama niya sa kompanyang pinagtatrabahuan, kung saan karamihan sa kanila ay walang pasok dahil sa pandemic.
Ayon kay Adelantar, maswerte lamang ang may kamag-anak sa Bahrain dahil maaari silang humingi ng grocery, ngunit kung wala naman, sila na mismo ang nag-aambagang makabili lamang ng pagkain.
Ang ayuda raw kasi mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay ibinibigay lamang sa mga itinuturing na “totally affected” ng COVID-19 crisis.
Sa ngayon ay wala aniyang katiyakan kung kailan sila makakaraos sa sitwasyon na ito lalo pa at pinalawig ang lockdwon sa Bahrain ng hanggang Abril 30.
Sa ngayon, mahigit 1,500 na ang bilang ng mga nagpositibo sa sakit, habang mahigit 600 naman ang naka-recover at pito ang tuluyang binawian ng buhay.