Inatasan na raw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang labor attaches sa Middle East na aksyunan at tulungan ang mga Pinoy workers na hinaharang ng kanilang employers na umuwi ng Pilipinas.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, inutusan na niya ang Philippine Overseas Labor Officers sa naturang rehiyon sakaling may kaso ng pagtatago ng passport ng mga employers.

-- Advertisement --

Sinabi naman ni Special Envoy to the Middle East Sec. Roy Cimatu na maaari pa ring makauwi ng Pilipinas ang mga Pinoy hindi makakakuha ng visa, basta ma-secure ng mga ito ang iba pang kinakailangang travel document.

Sa ngayon ani Cimatu maaari ng tumungo sa Philippine Embassy sa Iraq ang mga OFW na nandoon sa naturang bansa.

Susubukan umano nilang idaan sa Baghdad airport ang mga Pinoy na uuwi sakaling bukas pa ito.

Kakausapin naman daw ng gobyerno ang Saudi Arabian authorities para payagan ang mga Pinoy na tumawid sa kanilang border para makasakay ng eroplano pauwi ang mga OFW.

Para sa mga Pinoy na nasa Lebanon, sakali raw na sarado na ang paliparan doon ay gagamiting extraction point ang Amman, Jordan.