Tulala at hindi makapaniwala ang overseas Filipino worker (OFW) na ina sa sinapit ng kanyang dalawang taong gulang na anak na babae sa kamay ng tagapag-alaga nito.
Ito ay matapos na masawi ang batang si Sabrina nang pagmalupitan at ihampas ito sa pader ng kanyang yaya na si Rowena Daud nang dahil umano sa pagkaburyo at stress.
Mula sa airport ay sinundo ng mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP) at ilang mga kabarangay ang ina ng biktima patungo sa ospital kung saan nakalagak ang mga labi ng bata.
Ngunit nang dahil sa kawalan ng kakayahan nito na bayaran ang mga gastusin ay nanawagan ng tulong pinansyal ang kanilang Muslim tribal leader na si Rony Sala, habang nag-ambagan naman ang mga pulis mula sa Station 14 ng Quezon City Police District upang may maitulong kahit papaano sa ina ng bata.
Dinala nila ang katawan ng biktima sa isang mosque sa Barangay Culiat Sa Quezon City upang isagawa ang ritwal ng mga Muslim bago ito ilibing matapos na pakiusapan ang pamunuan ng libingan na pahintulutan ito kahit na wala pang pambayad para rito.
Batay kasi sa tradisyon ng mga Muslim ay kinakailangan na mailibig na agad sa loob ng 24 oras ang kanilang mga labi.
Bilang pagsunod na rin sa tradisyon ng nasabing relihiyon ay hindi na rin pumayag ang nanay ng biktima na ipa-autopsy pa ang katawan nito.
Magugunita na una nang ipinahayag ng Quezon City Police District na bukod sa kasong murder at child abuse ay isa ang rape sa kanilang tinitignang isampa sa tagapag-alaga ng biktima matapos ito ng mga doktor ng mga sugat sa maselang bahagi ng katawan nito.