Iniulat ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang bagong itinayong Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital na nag-aalok ng libreng serbisyong medikal sa mga OFW at kanilang mga dependent ay magiging fully operational na sa Hunyo.
Sinabi ni Bello na ordinary treatment at outpatient services lamang ang ibinibigay sa ospital sa ngayon dahil ilang medical equipment ang hindi pa naililipat sa pasilidad.
Nakatakdang ilipat sa nasabing hospital ang P200 million na halaga ng mga medical equipment ng dialysis, MRI, CT scan, at saka ‘yung ibang state of the art medical equipment.
Napag-alaman na ang 1.5 ektaryang lupa na ginamit para sa ospital na nagkakahalaga ng P400 milyon ay donasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga.
Nasa halos P600 million na halaga ng mga construction naman ang dino-donate ng Bloomberry Cultural Foundation para sa hospital building.
Ang pagbili ng mga kagamitang medikal na nagkakahalaga ng P200 milyon ay pinondohan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Ayon kay Bello, ang UP-Philippine General Hospital ang mamamahala sa operasyon ng OFW Hospital.
Idinagdag niya na ang P250-milyong badyet ay inilaan para sa ospital mula sa pondo ng General Appropriations Act 2022.