Inirekomenda ng OCTA Research group sa pamahalaan na limitahan lamang para sa mga fully vaccinated nang indibidwal ang pinapahintulutan sa mga pampublikong sasakyan.
Sinabi ito ni Dr. Guido David matapos na aprubahan kamakailan ng national pandemic task force ang gradual increase sa passenger capacity ng mga sasakyan at tren sa Metro Manila at kalapit na probinsya simula Nobyembre 4.
Ayon kay David, sa ngayon ay mataas na rin naman ang vaccination coverage sa Metro Manila, kung saan 96% ng adult population ang naturukan na ng first dose habang 80% naman ang kumpleto na sa vaccine doses.
Gayunman, hinimok ng OCTA ang pamahalaan na pabilisin pa rin ang bakunahan sa mga kalapit na probinsya para maging sila ay magkaroon din ng pinabuting vaccination coverage.
Agosto ng kasalukuyang taon nang sinabi ng Malcanang na bukas ang pamahalaan sa ideya na limitahan ang pampublikong sasakyan sa mga bakunado nang indibidwal sa oras na maabot ng Metro Manila ang tinatawag na “population protection” level kung saan 50 percent ng mga residente ay fully vaccinated na kontra COVID-19.