Muling nagbabala ang Office of the Civil Defense (OCD) sa mga residente ng lalawigan ng Masbate dahil sa mga posibleng panganib na maaaring idulot ng mga aftershocks.
Sa gitna ito ng patuloy na naitatalang aftershocks sa lalawigan na umabot na sa mahigit 100 pagyanig kasunod ng pagtama ng magnitude 6.0 na lindol doon kaninang madaling araw.
Ayon kay OCD spokesperson Asec. Bernardo Alejandro IV, bagama’t minimal lamang na maituturing ang mga pinsalang tinamo ng naturang lugar nang dahil sa nasabing lindol ay dapat pa rin aniyang mag-ingat at maging alerto ang mga residente doon.
Ang mga nararanasan kasi aniyang mga aftershocks sa lugar ay posibleng maging sanhi ng paglala ng mga pinsala sa mga istraktura na dati nang may mga bitak.
Ito rin aniya ang isa sa mga dahilan kung bakit sinuspindi na ang mga klase at trabaho sa nasabing lugar dahil nagpapatuloy aniya sa ngayon ang damage assessment sa nasabing lalawigan upang alamin kung nananatiling ligtas pa rin ito para sa ating mga kababayan.