Muling nanawagan ang Office of the Civil Defense (OCD) sa publiko na sumundo sa mga ipinatutupad na hakbang ng mga otoridad bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng maging epekto ng nararanasang matinding init ng panahon sa bansa.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa deklarasyon ng Department of Science and Technology na nagtataas sa monitoring status nito sa bansa mula sa El Niño Watch patungong El Niño Alert batay sa recent conditions at model forecasts nito na nagpapahiwatig na nalalapit nang maranasan ang El Niño sa bansa.
Batay kasi sa monitoring ng nasabing kagawaran, aabot sa 80% probability na mararanasan ang El Niño sa Pilipinas at posible pa itong magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng taong 2024.
Sa isang pahayag ay sinabi ni OCD Deputy Administrator, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejanfro IV na dahil dito ay dapat aniyang magtulungan ang bawat isa na tiyaking makakasunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paghandaan ang posibleng maging epekto ng pagtama ng El Nino sa bansa.
Kaugnay nito ay naglabas din ng kautusan ang National Disaster Risk Reduction Management Council sa lahat ng mga Regional offices nito na magpatupad ng preparedness actions sa kani-kanilang mga lugar.
Kung maaalala, una nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagbuo ng El Niño team na tututok sa usapin na ito na inaasahang kabibilangan ng Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Department Of Energy, Department Of Health, Department of Science and Technology, National Economic Development Authority, National Irrigation Administration, at Metropolitan Waterworks Sewerage System na kapwa pangungunahan naman ng DILG at OCD.