-- Advertisements --

Inihahanda na ng Office of Civil Defense (OCD) ang posibilidad na pagpapadala ng emergency teams na makakatulong para sa search and rescue (SAR) operations sa Turkey kasunod ng malakas na pagyanig na magnitude 7.8 nitong nakalipas na araw ng Lunes, Pebrero 6.

Nagpaabot din ng pakikiramay sa mga biktima at naapektuhang pamilya ang OCD sa katauhan ni Undersecretary Ariel Nepomuceno, OCD Administrator sa Republic of Turkey matapos ang iniwang malawak na pinsala na kumitil sa libu-libong mga mamamayan sa Middle Eastern country.

Nagpahayag din ng pakikiisa ang ahensiya sa pagdarasal na mahanap ang mga napaulat na nawawala pa hanggang sa ngayon bilang resulta mula sa naturang trahedya.

Sinabi ni Nepomuceno na nakahanda ang OCD at mga personnel ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magbigay ng kinakailangang tulong sa bansang nasalanta ng lindol matapos pormal na ipahayag ng Embahada ng Republika ng Türkiye sa Maynila ang kanilang kahilingan para sa emergency assistance at urban search and rescue team.

Ayon naman kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr, tiniyak ng state weather bureau sa OCD na walang epekto sa Pilipinas ang lindol sa Turke dahil ang active fault na nagdulot ng magnitude 7.8 na lindol ay napakalayo at hindi konektado sa ating active faults.

Gayunpaman, pinaalalahanan ni Nepomuceno ang publiko na ang malakas na lindol sa Turkey ay maaari ding mangyari sa Pilipinas dahil may mga active faults pa rin kaya kailangan pa rin na maging alerto at ibayong paghahanda.

Una ng iniulat ng Philippine Embassy na nasa 248 Pilipino ang apektado ng nasabing pagyanigbna tumama sa Turkey.