CAUAYAN CITY- Labis ang pasasalamat sa maykapal ni Bishop David William Antonio ng Diocese of Ilagan dahil nakaligtas siya sa naganap na aksidente sa Barangay San Miguel, Luna, Isabela
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Bishop Antonio na habang minamaneho nito ang kanyang SUV ay pumutok ang gulong sa harapan sasakyan kayat nasagi nito ang kasalubong na trailer truck.
Natanggal anya ang isang gulong ng minamanehong sasakyan sanhi para bumaliktad.
Nagpapasalamat anya siya na walang natamong sugat o bali sa katawan matapos siyang sumailalim sa X-ray.
Nagpasalamat din siya sa mga nag-alala at nagdasal para sa kanyang kaligtasan.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan inihayag Police Corporal Ardie Mateo , Tagasiyasat ng Luna Police Station na habang binabagtas ng SUV na minamaneho ni Bishop David William Antonio ang lansangan sa barangay San Miguel, Luna, Isabela ay pumutok ang kaliwang gulong ng sasakyan.
Dahil dito nawalan ng kontrol sa manibela si Bishop Antonio at napunta ang minamanehong SUV sa kabilang linya para bumangga sa harapang bahagi ng trailer truck.
Papauwi na sana sa Gamu Isabela si Bishop Antonio nang mangyari ang aksidente.
Ang tsuper naman ng trailer truck na naglalaman ng mga saku-sakong bigas ay si Ryan Tamayo,dalawamput walong taong gulang, may-asawa at residente ng Peñablanca, Cagayan .
Nagtamo lamang ng sira ang dalawang sasakyan at mapalad namang hindi nasugatan ang Obispo at tsuper ng truck na si Tamayo.
Nagkasundo ang magkabilang panig na kanya kanya nang ipaaayos ang mga minamanehong sasakyan.














