Magbubukas muli ng bagong dormitoryo ang Office of the Vice President para sa mga health care workers kasabay ng pagsisimula ng general community quarantine bukas, June 1.

Ayon kay Vice President Leni Robredo, bunsod ito ng pagbabalik operasyon na rin ng mga espasyo na kanilang hiniram sa nakalipas na mga buwan para gawing pansamantalang tirahan ng naturang frontliners.

“Marami na iyong last day ngayon kasi dahil maggi-GCQ, iyong mga nagpahiram sa atin ng mga dorms, kailangan na din maghanda para sa pagbukas ng kanilang mga negosyo. Pero iyong pagsara ng mga dorms, pinaghahandaan namin iyon, Ka Ely,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Ilulunsad daw ng tanggapan ni VP Leni ang “Oasis Project” na layuninang magtayo ng temporary shelter sa mga health care frontliners sa loob ng bisinidad ng ospital.

Ilang pribadong grupo at kompanya na raw ang nagpahayag at nagpaabot ng tulong sa insiyatibo na ito ng pangalawang pangulo.

“Nag-donate sa amin iyong IKEA Philippines ng mga parang mga cabins, mga temporary shelter. Nakipag-partner kami sa United Architects of the Philippines saka mga interior designers, Ka Ely, na kilalang-kilala: si Ivy saka si Cynthia Almario.”

“May mga landscape architects na papagandahin iyong— Parang isang compound talaga siya ng mga temporary shelter. Para kahit nagsara na iyong dorms, mayroon pa ding matitirhan iyong iba.”

Sa ngayon patuloy daw ang pakikipagtulungan ng OVP sa mga partners nito para makapaghanap ng espasyo para maging dormitoryo ng health care frontliners.

Mauunang bubuksan daw ang Oasis Project sa Lung Center of the Philippines sa June 12.

“Kausap na namin iyong Lung Center [of the Philippines], kasi maraming mga taga-Lung Center ang tumitira sa dorm namin.”

“Ngayon inaayos na iyong lugar. Bukas magsisimula nang patayuin iyong mga shelters, tapos aayusin na—pipintahan, iyong mga gamit na kailangan, etc., etc. Basta by June 12 ready for occupancy na siya.”

Mula noong Marso, nakapagbukas ng higit 10 dormitoryo ang OVP sa Metro Manila, sa pamamagitan ng partnership sa ilang organisasyon at private groups.

Naka-pwesto ang halos lahat ng ito malapit sa mga ospital kung saan nagta-trabaho ang mga nakatirang frontliners.