LEGAZPI CITY – Naka-standby na ang mga doktor at nurses sa mga paliparan sa New Zealand upang lapitan ng mga pasahero na mula sa mga bansa na apektado ng COVID-19.
Ito ay matapos makapagtala ng naturang bansa ng kaso ng coronavirus.
Nabatid mula sa Ministry of Health na ang mga nagpositibong kaso ay may travel history mula sa Italy at Iran na patuloy na mino-monitor sa kasalukuyan.
Sa ulat ni Bombo International correspondent Efren Gaspi na nagtatrabaho sa Christchurch airport, wala pa umanong ‘alarming situation’ dahil naka isolate ang naturang mga pasyente subalit mahigpit ang paalala ng embahada ng Pilipinas na iwasan muna ang pakikipaghalubilo sa publiko.
Sa kabila nito, sinuspinde na ang ilang flights mula sa Australia, mainland China, Singapore, at iba pang mga bansa na apektado ng COVID-19 habang sumasailalim sa 14-days quarantine ang mga bumiyahe mula sa ibang bansa.
Ayon pa kay Gaspi, pinaka apektado ngayon ang negosyo na pag-aari ng ilang Chinese businessmen lalo na ang mga restaurant dahil iniiwasan na aniya ito ng publiko.
Subalit nilinaw nito na walang nangyayaring diskriminasyon sa mga Chinese sa naturang bansa.