Bukas ang Nueva Vizcaya Agricultural Terminal(NVAT) sa mungkahi ng Department of Trade and Industry na pagtatayo ng mga karagdagang agricultural terminal sa iba pang bahagi ng bansa, upang matiyak ang mababang presyuhan ng mga panindang gulay.
Maalalang una nang inirekomenda ni Trade Secretary Pascual ang mas maraming terminal sa tatlong lugar sa Metro Manila na ibabase sa sistemang sinusunod ng Nueva Vizcaya Terminal.
Ang naturang terminal ay ang pinakamalaking bagsakan center ng mga gulay sa Northern Luzon, kung saan direktang dinadala dito ng mga magsasaka ang kanilang mga paninda at binibili ng mga traders mula sa ibat ibang bahagi ng Luzon.
Ayon kay NVAT Head Engr. Gilbert Cumilla, malaking tulong ito upang may direktang mapagdadalhan ng produkto ang mga magsasaka at mga farmers cooperative mula sa ibang mga probinsya.
Sa pamamagitan nito, posibleng mapapanatili ang mas mababang presyuhan ng mga gulay at prutas dahil direkta nang sa mga magsasaka makakabili ang mga konsyumer.
Inihalimbawa ni Engr. Cumilla ang pagkukumpulan ng mga konsyumer na bumili sa mga pamilihan sa Balintawak at Divisoria area habang ang ibang mga lugar ay walang malalaking bagsakan center.
Maalalang una nang sinabi ni Sec. Pascual na ang ganitong sistema ay makakatulong upang mapatatag ang supply chain ng mga produktong agrikultural dito sa bansa.
Maliban sa Metro Manila, plano rin ng DTI na palawakin ang agri terminal at magtayo ng kahalintulad sa Nueva VIzcaya Terminal sa ibat ibang lugar sa Visayas at Mindanao.
Batay sa datus ng NVAT, nakakapagtala ito ng hanggang sa 700,000 metriko tonelada ng mga gulay na ibinabagsak ng mga magsasaka ng Region 2, 3, at CAR araw-araw.